--Ads--

BONTOC, Mountain Province — Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) ang No. 2 Regional Most Wanted Person ng Police Regional Office–Cordillera Administrative Region (PRO-CAR) sa isinagawang operasyon sa Barangay Kayan East, Tadian, Mountain Province noong Hulyo 14.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Botsing,” 34 taong gulang, isang laborer at residente ng Tadian.

Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Family Court, Branch 12, First Judicial Region sa Bontoc kaugnay ng mga kasong Qualified Rape at Rape through Sexual Assault. Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa isang kaso, habang itinakda naman sa ₱300,000 ang piyansa para sa isa pang kaso.

Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa Tadian Municipal Police Station para sa dokumentasyon at iba pang kaukulang proseso bago ito isinailalim sa kustodiya ng kinauukulang hukuman.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinakikita ng matagumpay na operasyon ang patuloy na pagtutulungan ng mga yunit ng pulisya sa pagtugis sa mga indibidwal na may nakabinbing kaso.

Binigyang-diin din niya na ang pagpapatupad ng warrant of arrest ay bahagi ng tungkulin ng PNP na pairalin ang batas habang iginagalang ang karapatan at due process ng bawat isa.

Ang naturang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP sa ilalim ng kanilang Focused Agenda upang matiyak ang episyente at koordinadong pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan sa komunidad.