--Ads--

Lubos ang kasiyahan ng 1992 Olympian at kasalukuyang trainer ng Philippine National Boxing Team na si Roel Velasco matapos bigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalakas ng sports sa bansa sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Velasco na maganda ang naging pahayag ng pangulo, at aminado siyang nabuhayan ng loob dahil mabibigyan ng tuloy-tuloy na suporta ang mga atleta.

Naniniwala rin siya na mas lalakas pa ang mga atleta dahil sa patuloy na pagbibigay ng mga kagamitan ng Philippine Sports Commission (PSC) at iba pang ahensya.

Sa ngayon, puspusan ang paghahanda ng Philippine National Boxing Team para sa nalalapit na National Boxing Championship na gaganapin sa Bangkok, Thailand.

Samantala, binuksan na rin sa publiko ang track and field oval ng Philippine Sports Commission sa Teacher’s Camp, Baguio City mula alas tres ng hapon hanggang alas diyes ng gabi at libre ang paggamit rito.

Ang inisyatibang ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na gawing bukas sa publiko ang lahat ng Philippine Sports Commission track and field ovals upang mas lalo pang mahikayat ang publiko at masuportahan ang mga atleta.

Inatasan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Sports Commission (PSC) na buksan sa publiko ang mga track oval sa Pasig, Maynila, at Baguio upang hikayatin ang mga Pilipino na maging mas aktibo at mapabuti ang kanilang kalusugan.

Inanunsyo ito ng Pangulo sa kanyang ika-apat na SONA noong Lunes.

Bagamat nasa “fine-tuning” pa ang operasyon, ikinatuwa ng komisyon ang pagdagsa ng mga mamamayang nagnanais bumalik sa track.

Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, naka-iskedyul ang rehabilitasyon ng Philippine Sports Commission Baguio Track Oval.

Target ng pamahalaang lungsod at ng Philippine Sports Commission na muling buhayin ang Teacher’s Camp athletic facility bilang aktibong training ground ng mga lokal at pambansang atleta.

Kamakailan lamang, pinasinayaan din ang bagong Strength Training Room sa loob ng oval. Ayon sa National Academy of Sports, ang pasilidad ay nagsisilbing isang mahalagang espasyo para sa pag-unlad ng mga atleta, na nagbibigay ng dekalidad na kagamitan sa pagsasanay upang makatulong sa pagbuo ng lakas, tibay, at pinakamataas na pagganap.

Kasama sa pasilidad ng PSC sa Baguio ang track oval, gym, at dormitoryo para sa mga atletang nangangailangan ng matutuluyan habang nagsasanay.