--Ads--

Iginiit ng isang opisyal na huwag maliitin ang mga magsasakang nagbibigay ng pagkain sa bansa.

Ito ay kasunod ng pananaw ng ilan na mababa ang antas ng pagiging magsasaka.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Marie Rose Fongwan-Kepes, Bise Gobernador ng lalawigan ng Benguet, sinabi niyang plano nilang mag-alok pa ng mas maraming agricultural courses upang pagkatapos ng pag-aaral ay maibalik ng mga estudyante ang kanilang kaalaman sa pagsasaka at mapakinabangan ito sa kanilang mga taniman.

Ayon sa kanya, hindi dapat isipin ng mga kumukuha ng kursong agrikultura na ang layunin lamang nito ay makapagtrabaho sa opisina.

Dagdag pa niya, isa itong obligasyon lalo na’t marami pang lupain sa iba’t ibang munisipalidad sa Benguet na maaaring mapagyaman sa pamamagitan ng agrikultura.

Iginiit din ng opisyal na kailangang itaas ang antas ng agrikultura upang ito ay higit na mapahalagahan, mapagtuunan ng pansin, at mapalakas pa ng pamahalaan.