--Ads--

Ibinahagi nina Alyssa Pacete at Marc Vicente kung paano sila nakapasok sa Top 8 ng BINIverse & Chorus Songwriting Competition matapos mapili ang kanilang orihinal na kanta na “Love, Potion.”

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng dalawa na nakita nila ang isang anunsyo sa social media noong Hunyo 2025 na naghahanap ng mga songwriter na maaaring lumikha ng kanta para sa P-pop girl group na BINI. Agad silang nagsumite ng kanilang entry.

Ayon kay Alyssa, nagsimula siyang magsulat ng mga kanta noong siya ay 16 na taong gulang pa lamang. Mahilig umano siyang makinig sa iba’t ibang genre ng musika at pinag-aralan niya ang proseso ng songwriting sa pamamagitan ng panonood ng mga panayam sa mga kilalang songwriter at patuloy na paghasa sa kanyang kakayahan.

Nang tanungin kung ano ang naging inspirasyon nila sa paggawa ng “Love, Potion,” ikinuwento ni Alyssa na nagsimula ang konsepto habang nasa College of Science sila. Napansin nila ang isang lalagyan ng kemikal na nagbigay sa kanila ng ideya na gumawa ng kanta tungkol sa chemistry at magic. Mula rito ay unti-unti nilang nabuo ang konsepto hanggang maging ganap na awitin.

Samantala, ibinahagi ni Marc na kapwa sila ni Alyssa miyembro ng isang music organization sa UP Baguio. Pareho silang may hilig sa pagsusulat ng kanta at nakita niya ang potensyal ni Alyssa bilang songwriter. Nagkaroon din sila ng pagkakataong magsama sa isang banda at lumikha ng mga orihinal na kanta kasama ang iba pa nilang kasamahan, na kalaunan ay nagbukas ng oportunidad upang makasali sa songwriting competition para sa BINI.

Ayon kay Marc, matagal na rin siyang nasa larangan ng musika bilang arranger at miyembro ng isang banda, kaya naging madali para sa kanilang pagsamahin ang kanilang mga ideya sa pagbuo ng kanta.

Mula sa mahigit 300 entries, nakapasok ang kanilang awitin sa Top 8 ng kompetisyon. Gayunman, hindi sila umabot sa susunod na yugto ng patimpalak na nakabatay sa public voting. Ayon kay Alyssa, bagama’t hindi sila nakapasok sa Top 4, malaking karangalan na ang mapabilang sa Top 8.

Inamin din ng dalawa na isa sa pinakamalaking hamon nila sa paggawa ng “Love, Potion” ay ang kakulangan sa pondo para sa production. Anila, hindi sapat ang kanilang budget upang makapagpagawa ng full demo dahil kinakailangan pang bayaran ang producer at ang buong instrumental production.

Sa kabila nito, nagpapasalamat sila sa mga taong tumulong at sumuporta sa kanila, dahilan upang maisakatuparan ang kanilang proyekto at makapasok sa Top 8 ng kompetisyon.

Ayon sa kanila, halos isang buwan nilang binuo ang kantang “Love, Potion.”

Bagama’t hindi sila nakapasok sa Top 4, sinabi ng dalawa na handa silang muling sumali kung magkakaroon pa ng kaparehong oportunidad sa hinaharap.

Inilarawan naman ni Alyssa ang BINI bilang isang kahanga-hanga at napakahusay na grupo. Inamin din niyang isa siyang tagahanga ng P-pop girl group.

Ayon pa kay Allyssa, higit niyang pinahahalagahan ang karanasang natutuhan sa kompetisyon, na aniya’y maaari niyang dalhin saan man siya mapunta. Dagdag niya, bonus na lamang kung sakaling nanalo sila.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin sina Alyssa at Marc sa paggawa ng mga orihinal na kanta at aktibo ring tumutugtog kasama ang kanilang banda na Leona Lane.