BAGUIO CITY – Aabot sa P10.8-M na halaga ng mga marijuana ang nakumpiska mula sa dalawang nahuling drug personalities sa buy-bust operation na isinagawa ng mga otoridad sa pamumuno ng PDEA-Benguet sa Poblacion, Tuba, Benguet kaninang tanghali.
Nakilala ang mga naarestong sina Kristofferson Balbin Domogan, 38-anyos, may asawa, residente ng Dominican, Baguio City at si Jason Bananao Ewad, 29-anyos, binata at residente ng Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska mula sa mga ito ang 90 na piraso ng mga marijuana bricks na may kabuuang bigat na 90 kilos at market value na P10.8-M kung saan nakalagay ang mga ito sa dalawang karton at isang plastic box.
Nagmula anila sa Kalinga ang mga nasabing kontrabando.
Narekober din mula sa mga ito ang ginamit na P1.3-M boodle money.
Kinumpiska pa ng mga otoridad ang puting SUV at dalawang cellphone na ginamit nina Domogan at Ewad sa pakikipagtransaksion sa mga operatiba.
Ayon sa PDEA-Cordillera, maikokonsidera na high value individuals sa illegal drug trade ang mga arestadong sina Domogan at Ewad.
Sa ngayon, nahaharap na ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.