Muling sumabak sa pagsasanay si Manny Pacquiao habang naghahanda sa kanyang pagbabalik sa boxing, sa kanyang bagong bukas na Pacquiao Prime Boxing Gym malapit sa Kodak Theatre sa Hollywood.
Ayon sa ulat, nagsagawa si Pacquiao ng full workout kasama ang longtime trainer na si Marvin Somodio, na patuloy na bahagi ng kanyang training team. Si Somodio rin ang head trainer ng gym at unang Filipino mentor na napabilang sa U.S. National Boxing Hall of Fame Class of 2026.
Kasama rin sa coaching staff si dating WBC light flyweight champion Rodel Mayol, na tumutulong sa paghahanda ng mga boksingero kabilang ang anak ni Pacquiao na si Jimuel.
Sa isang video sa social media, makikita si Pacquiao na mabilis at malakas pa rin ang galaw habang nag-eehersisyo, bilang bahagi ng paghahanda sa napabalitang rematch kay Floyd Mayweather.
Si Pacquiao, ang kauna-unahang eight-division world champion sa boxing, ay kasalukuyang nasa Los Angeles kasama ang kanyang asawa na si Jinkee matapos dumalo sa kasal ng kanilang anak na si Jimuel.






