ABRA – Pormal nang pinasinayaan ang mural na nagtatampok sa makasaysayan, kultural at maritime na ugnayan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) sa University of Abra-Bangued Campus noong Nobyembre 20, 2026.
Dinaluhan ang unveiling at ribbon-cutting ceremony ng mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Intelligence Coordinating Agency-Cordillera Administrative Region (NICA-CAR), lokal na pamahalaan, sektor ng kabataan, mga artista at iba pang katuwang na organisasyon.
Layunin ng naturang inisyatiba na palawakin ang kaalaman ng publiko, partikular ng kabataan, tungkol sa karapatan at interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea, gayundin ang pagsusulong ng patriotismo at pagkakaisa ng mga Pilipino.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Lieutenant Colonel Paulo Espinosa, Director ng 1402nd Community Defense Center, ang kahandaan ng AFP, mga reservist at ROTC cadet na suportahan ang mga programang nagtataguyod ng pagkakaisa, pagmamahal sa bayan at kamalayan sa soberanya ng bansa.
Samantala, iginiit ni Colonel Enrique Rafael, Group Commander ng 1st Civil Relations Group ng AFP Civil-Military Operations Command, ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan at mamamayan upang mapangalagaan ang pambansang interes.
Hinimok din ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nababasa at naibabahagi, tiyaking nagmumula ang mga ito sa mapagkakatiwalaang sanggunian at labanan ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa West Philippine Sea.
Sa mensaheng ipinahatid ni Abra Vice Governor Ana Marie Bersamin sa pamamagitan ng kinatawan nitong si Franz Danielle Fabie, binigyang-diin ang kahalagahang ipaglaban ang mga karapatang pag-aari ng lahat ng Pilipino, hindi lamang ng mga nakatira sa mga baybaying lugar.
Ayon sa mensahe, nararapat na manatiling nagkakaisa, may sapat na kaalaman at matatag ang mga Pilipino sa pagtatanggol sa pambansang interes at soberanya ng bansa.
Bahagi rin ng programa ang unang pagpapalabas ng orihinal na awiting may pamagat na “MITHIIN,” isang WPS-themed lyric music video mula sa Cordillera Region, gayundin ang mga audiovisual presentation na pinamagatang “Mulat” at ceremonial signing of commitment.
Samantala, tampok sa mural ang mga salitang “West PH Sea,” kung saan malikhaing isinama ang mapa ng Pilipinas at iba’t ibang simbolong kumakatawan sa West Philippine Sea.
Binigyang-pansin din sa likhang-sining ang konsepto ng “Kapwa” at pagpapahalagang Pilipino na “Pakikipagkapwa” bilang pundasyon ng pagkakaisa at panlaban sa mga puwersang naglalayong hatiin at pahinain ang lipunan.
Nilikhâ nina Mark Laurence Tolentino at Christian Dagiway ang mural na natapos sa loob ng 13 araw.
Nabatid na bahagi ang proyekto ng mas malawak na kampanya sa Cordillera Administrative Region, kung saan naisagawa na rin ang mga katulad na pagpapasinaya sa Baguio City at Kalinga.
Inaasahan ding susunod ang iba pang lalawigan sa rehiyon upang higit pang maipalaganap ang kamalayan tungkol sa West Philippine Sea, lalo na sa mga paaralan at pampublikong lugar.
Layunin ng inisyatiba na mapalakas ang pagtutulungan ng pamahalaan, mga paaralan, kabataan at komunidad sa pagtatanggol sa pambansang interes at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.











