Inaasahan ng mga opisyal ang pagtaas ng tourist arrivals sa Mines View Barangay sa Baguio City sa mga susunod na araw, matapos maobserbahan ang pagbaba ng bilang ng mga bumibisita sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Barangay Captain Antero Buswilan Jr., kapansin-pansin ang kakaunting turista dahil wala umanong matinding trapiko at wala ring mahabang pila sa ticket booth ng treasury office—na karaniwang nararanasan kapag dagsa ang mga bisita.
Ayon sa opisyal, sa halip na ipinatutupad na one-way scheme, naging two-way scheme na lamang ang daloy ng trapiko kamakailan dahil sa kakulangan ng sasakyan at tao.
Nagsimula umanong bumaba ang bilang ng turista noong Biyernes, na nagresulta sa mas maagang pagsasara ng mga negosyo bandang alas-singko ng hapon, kumpara sa karaniwang alas-siyete kapag matao ang lugar.
Samantala, hindi rin napapansin ang mahabang pila sa terminal ng Mines View. Gayunman, nananatili pa ring may mga bumibiyahe, na iniuugnay sa tulong na natatanggap ng ilan mula sa pamahalaan.





