--Ads--

BAGUIO CITY – Aabot na sa anim na raan ang kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa lungsod ng Baguio.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Celia Flor Brillantes, City Health Officer, sinabi nito na nakababahala na ang patuloy na pagtaas ng kaso ng naturang sakit kada taon.

Ayon sa kanya, mula sa nasabing bilang ay aabot na sa 187 ang active HIV/AIDS patients na sumasailalim sa treatment sa rehiyon Cordillera mula 2018 hanggang April 30, 2024, base sa datus ng Department of Health – Cordillera Administrative Region (DOH-CAR).

Dagdag ng opisyal na mahigpit nilang binabantayan ang kaso ng HIV partikular na sa men-having-sex-with-men (MSM) at para maipaabot na rin nila ang kanilang programa sa mga organisasyon na may ganitong miyembro.

Kaugnay nito, isasagawa ang annual AIDS Candlelight Memorial event sa Burnham Park Lake, Baguio City sa Mayo a-10 na magsisimula alas singko ng hapon.

Ang programang ito ay may temang “Put People First: Kandila ng Pagkalinga, Liwanag ng Pag-asa” , bilang pag-alala sa lahat ng naapektuhan ng AIDS pandemic.

Bahagi ng aktibidad ang paghawak at pagsisindi ng kandila ng AIDS ribbon symbol na ipalulutang sa Burnham lake.

Hinihiling naman ni Dra. Brillantes sa publiko na suportahan at makipagtulungan sa paglaban sa HIV sa pamamagitan ng pagsunod sa mga payo ng mga kinauukulan at pakikibahagi sa information disemenation laban sa nasabing sakit.

Kung maalala, tuwing Mayo mula noong taong 1983 ay ginaganap sa buong mundo ang AIDS Candlelight Memorial upang itaas ang kamalayan ng mga tao sa sexually-transmitted disease na dulot ng Human Immunodeficiency Virus (HIV).