Mahigpit na binabantayan ng mga miyembro ng DTI at ng Local Price Coordinating Council–Baguio ang mga pangunahing bilihin sa mga establisyimento sa lungsod at iba pang munisipalidad sa lalawigan ng Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, kinumpirma ni Ralph Altiyen ng Consumer Protection Division ng DTI Baguio-Benguet na may mga pagbabago sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa lungsod.
Batay sa kanilang monitoring, sinabi niyang 45 na produkto ang tumaas ang presyo. Kabilang dito ang ilang uri ng noodles, bottled water, canned goods, at kape.
Samantala, umaabot naman sa 14 na pangunahing bilihin ang bumaba ang presyo, kabilang ang ilang uri ng de-latang paninda, kape, at gatas. Ayon sa DTI, ito ay dahil sa mga aktibidad na pang-promosyon na ipinatutupad. Ibig sabihin, maaari rin itong bumalik sa regular na presyo kapag natapos ang mga nasabing promosyon.
Kinumpirma rin ni Altiyen ang pagtaas ng presyo ng mga construction supplies at tinawag itong “kapansin-pansin,” lalo na sa semento at steel bars.
Ayon sa kanya, tumaas ang presyo ng mga ito mula ₱1 hanggang ₱20 kada item o yunit, at linggo-linggo ang paggalaw ng presyo ng nasabing mga produkto.
Samantala, walang naitalang hoarding at profiteering sa Baguio City.









