Pinalalakas ng pamahalaang lungsod ng Tabuk ang community-based mental health care system sa pamamagitan ng pagpapalawak ng serbisyo, pagsasanay ng mga responder, at pagpapabuti ng access sa suporta.
Ayon sa City Health Services Office, naitala ang 29 na kaso ng suicide noong 2025 kung saan 11 ang nasawi. Kabilang dito ang 12 indibidwal na edad 19 pababa at 17 na edad 20 pataas. Noong Enero 2026, limang kaso agad ang naitala, ayon kay Mental Health Coordinator Hilda Adong.
Dagdag pa niya, 53 bagong pasyente ang natugunan kamakailan na may mga kondisyong gaya ng psychosis, schizophrenia, bipolar disorder, at depression.
Upang mapalakas ang agarang pagtugon, sinasanay ang iba’t ibang sektor bilang mental health first aiders, kabilang ang mga health worker, pulis, guro, at mga kinatawan ng simbahan.
Kabilang din sa mga hakbang ng lungsod ang pagbuo ng referral at crisis response system, pagpapalakas ng information campaign, at pagtatayo ng mental health crisis hotline.
Sa ilalim ng City Ordinance No. 12, Series of 2024, isinusulong ang mas komprehensibong mental health care system na nakatuon sa prevention, treatment, at rehabilitation.
Hinihikayat naman ang publiko na humingi ng tulong at makiisa sa pagsusulong ng mental wellness sa komunidad.











