Iniimbestigahan na ng Alejo Pacalso Memorial National High School sa Bua Tuding, Itogon ang umano’y insidente ng pambu-bully.
Nakunan ng video ang insidente kung saan makikitang binubugbog ng isang grupo ang isang kabataan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Madison Kiong, punong-guro ng paaralan, wala pa silang natatanggap na pormal na reklamo mula sa mga indibidwal na sangkot.
Gayunman, inabisuhan na ang pamunuan tungkol sa insidente at agad silang nagsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung mga estudyante ng paaralan ang nasangkot sa gulo. Kinumpirma ng administrasyon na kanilang mga estudyante ang mga sangkot dahil pare-pareho ang mga itong nakasuot ng uniporme ng paaralan.
Ayon pa sa paaralan, naganap ang insidente sa labas ng campus, humigit-kumulang 100 metro ang layo mula rito. Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na ikalawang beses na itong nangyari at parehong grupo at biktima ang nasasangkot sa insidente. | via Bombo Karen Sapirao











