Emosyonal ang naging pahayag ni Engr. Ceasar Cabral, asawa ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, dahil ipinagpipilitan umano ng mga awtoridad na isailalim sa autopsy at DNA ang labi ng kanyang asawa, na ngayon ay nasa isang funeral home sa Upper Tadiangan, Tuba, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Engr. Cabral na hindi na kailangang isailalim sa anumang pagsusuri ang labi ng kanyang asawa, dahil naniniwala siya na aksidente ang pagkamatay nito.
Ayon pa kay Engr. Cabral, matagal na niyang nakasama ito pati ang kanilang mga anak, kaya alam nila na si dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral ang natagpuan bangkay.
Samantala, patuloy pa rin na kinukumbinsi ng mga awtoridad ang pamilya para isailalim sa autopsy at ilang pagsusuri ang labi ni Cabral, dahil may posibilidad umano na foul play sa nangyaring insidente.
Matatandaan na noong pasado alas-siete ng gabi kahapon, Disyembre 18, ay natagpuan ang katawan ni DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral na wala nang buhay sa Kennon Road, Bued River, Camp 4, Tuba, Benguet.
Bago ang insidente, una nang kinumpirma ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa Bombo Radyo Baguio na base sa report ng pulisya, umakyat sina Cabral at ang kanyang driver na si Ricardio Munos Hernandez, 56-anyos, sa lungsod ng Baguio, kahapon.
Ngunit bago pa sila dumiretso sa lungsod, hiniling umano ni Cabral sa kanyang driver na huminto muna sila sa Kennon Road sa Tuba, Benguet, para makalanghap ng hangin.
Ayon kay Magalong, sinabi umano ng driver ni Cabral na sinita sila ng pulis na nakaduty sa oras na iyon, kaya dumeretso na sila sa Baguio City.
Idinagdag pa ni Mayor Magalong na noong nasa Baguio sina Cabral at ang kanyang driver, nanlibre pa umano sila sa isang customer ng isang hotel dito sa lungsod.
Tinanong pa umano ni Mayor Magalong ang driver ni Cabral tungkol sa kalagayan o itsura ni Cabral, at sinabi nito na “in good mood” raw ang dating opisyal.
Alas-tres ng hapon kahapon, nagdesisyon umano sina Cabral at ang kanyang driver na bumaba na sa La Union.
Ngunit noong makarating ulit sila sa Kennon Road, Camp 4, Tuba, Benguet, kung saan sila unang huminto, sinabi umano ni Cabral sa kanyang driver na bumaba muna sila doon, at sinabihan pa siya na iwan siya doon upang hindi sila sitahin muli ng pulis na nakaduty.
Dahil dito, umalis umano ang driver at nagtungo sa isang gasolinahan na malapit sa lugar kung saan iniwan si Cabral.
Alas-singko ng hapon, binalikan ng driver si Cabral sa lugar kung saan siya iniwan, ngunit hindi na niya ito makita.
Dahil dito, nagdesisyon umano ang kanyang driver na bumalik sa lungsod ng Baguio upang hanapin si Cabral, sa pag-aakalang bumalik siya at may kinausap lamang, ngunit bigo pa rin siyang makita.
Alas-siete ng gabi, bumalik ulit ang driver sa lugar kung saan niya iniwan si Cabral, ngunit wala doon ang naturang opisyal, kaya nagdesisyon siyang mag-report sa mga awtoridad.
Pasado alas-siete ng gabi, nahanap ng mga awtoridad ang katawan ni Cabral na walang malay sa Bued River, 20 hanggang 30 metro ang lalim mula sa kalsada kung saan siya iniwan ng kanyang driver. Sa inisyal na report ng mga awtoridad, posibleng nahulog si Cabral sa bangin at dumiretso sa Bued River.
Pasado alas-dose ng hatinggabi, narekober at naingat ang katawan ni Cabral at idineklara itong wala nang buhay.
Sa ngayon, nasa funeral home pa rin ang mga labi ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, at hinintay ng pamilya na maiproseso ang bangkay nito para madala nila sa Manila.
Hawak pa rin ng Tuba Municipal Police Station ang driver ni Cabral at itinuring itong person of interest.











