--Ads--

Hinihiling ng isang concerned citizen sa lungsod ng Baguio sa mga may-ari ng aso na itali ang kanilang mga alagang hayop upang hindi makasagabal sa daan at, higit sa lahat, maiwasan ang pagkakagat ng mga tao.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jean Castillo, isang concerned citizen mula sa Barangay Loakan-Liwanag, Baguio City, sinabi nitong siya mismo ay nakaranas na makagat ng aso na walang umaamin o nagsabing kanila ang naturang aso.

Ayon kay Castillo, papunta sana siya kasama ang kanyang ka-work sa Maharlika upang magtrabaho bilang masahista nang may masagi siyang aso at bigla siyang kinagat sa binti.

Agad namang nakiusyoso ang ilang tao at sinabihan siyang umuwi upang hugasan ang sugat, kaya umuwi siya.

Nagplano rin sana siyang magpa-injection matapos ang insidente, ngunit sinabi niyang mahal ang kailangang bayaran at inakala niyang sakop ito ng PhilHealth.

Agad naman siyang nag-report sa isang kagawad sa kanilang barangay upang ipaalam ang nangyari at maaksyunan ito. Gayunman, sinabi ni Castillo na kalaunan ay nalaman niyang walang umaamin o nagsasabing kanila ang asong nakakagat sa kanya at gala umano ito.

Aniya, napansin din niya ang maraming asong pagala-gala sa Barangay Loakan-Liwanag, partikular sa Purok 4.

Sa ngayon, panawagan ni Castillo sa mga kinauukulang opisyal na aksyunan ang problema sa mga pagala-galang aso sa lungsod ng Baguio upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring makapinsala sa mga residente.

Nakapag-inject naman na ito ng anti-rabies.