Namayagpag ang Philippine Juniors National Muaythai Team matapos makapag-uwi ng 11 golds, 3 silvers, at 5 bronze sa katatapos lamang na International Federation of Muaythai Associations (IFMA) School World Championship na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia ngayong buwan ng Hunyo.
Sa pakikipanayam ng Bombo Radyo kay Billy Alumno, coach ng Philippine National Muay Thai Team, ayon sa kanya lumahok sa nasabing kompetision ang mahigit 42 na bansa kung saan muling kinilala ang Pilipinas bilang isa sa mga powerhouse sa Muaythai dahil sa dami ng medalya na naiuwi nito.
Dagdag pa niya, nagmula sa grassroots development program ang mga atletang bumuo sa Juniors National Team na sumailalim sa dalawang buwang paghahanda matapos mapili sa isinagawang national selection.
Nagpaabot naman ng buong suporta ang Philippine Sports Commission sa delegasyon sa pamamagitan ng pinansyal na tulong at pagpapadala ng medical team na umalalay sa mga atleta sa buong kompetisyon.
Samantala, naghahanda na ngayon ang national team para sa IFMA Senior All Disciplines World Championship sa Kosovo, Europe sa Setiembre 1 hanggang 10, 2026, at sa IFMA Youth World Championship na idaraos sa Olympia, Greece sa Nobiembre 1 hanggang 10, 2026. | via Bombo Khey Reparip











