BAGUIO CITY – Tagumpay ang unang pagsabak sa SEA Games ng pinakabatang arnis player ng Team Pilipinas sa nagpapatuloy na 2019 SEA Games dito sa bansa.
Nakuha ng 19-years old Igorota athlete na si Abegail Dulawan Abad ang gold medal sa arnis, partikular sa padded stick welterweight – women’s division.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi niya na sa first round pa lamang ng kanyang laban ay kinakabahan siya dahil iba ang level ng SEA Games kung saan bandera na ng Pilipinas ang kanyang kinakatawan.
Gayunman, sinabi niya na nandoon pa rin ang eagerness o pagkasabik na lumaban at manalo para sa karangalan ng Pilipinas sa isang isang international event.
Sobra aniya ang kanyang saya at halos hindi siya makapaniwala na nasungkit niya ang gold medal sa arnis sa kanyang kauna-unahang pagsabak sa SEA Games lalo pa at passion na talaga niya ang arnis na kanyang sports mula pa noong elementarya ito.
Ayon kay Abad na isang senior high school fresh graduate mula Camp 7, Baguio City, bunga ito ng lahat ng kanyang paghihirap at mga hamon na kanyang napagdaanan.
Ipinagpapasalamat din nito ang pagkakaroon niya ng napaka-supportive na pamilya dahil lahat ng kanyang kamag-anak ay naniniwala at nagtitiwala sa kanyang kakayahan.
Aniya, nagsisilbing tagapag-palakas ng kanyang loob ang kanyang pamilya sa mga panahong sinasabi niya sa mga ito na hindi na niya kaya.
Ibinahagi pa niya na masaya siya sa presensia ng mga nanood sa mga laro ng Team Pilipinas dahil malaki ang naging suporta ng mga ito para pagbutihin nila ang kanilang mga laban.
Hinihikayat pa niya ang publiko sa patuloy nilang pagsuporta sa lahat ng mga atleta ng Pilipinas na nagdadala ng karangalan sa bansa.