--Ads--

Nanindigan ang pitumpu’t limang taong gulang na si Nanay Natividad Rosal na “No Retreat, No Surrender” pagdating sa kanyang pangarap na maging ganap na abogado.

Si Nanay Rosal ay isa sa mga 2025 Bar Examinees na kamakailan ay nag-viral matapos humanga ang publiko sa kanyang determinasyon na tuparin ang pangarap sa kabila ng kanyang edad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, ibinahagi ni Nanay Natividad na bata pa lamang siya ay pangarap na niyang maging abogado, subalit nagsimula lamang niyang unti-unting tuparin ito nang siya ay 58 taong gulang na.

Ayon sa kanya, natapos niya ang kursong abogasya noong 2010 habang nagtatrabaho bilang stenographer sa isang legal office.

Unang beses niyang sinubukang kumuha ng Bar Examination noong 2011 ngunit hindi siya pinalad. Muli siyang sumubok noong 2012, subalit nabigo pa rin.

Sa kabila ng mga kabiguan, hindi pa rin siya sumuko. Makalipas ang ilang taon, muli niyang hinarap ang hamon at noong Setyembre 2025 ay muling kumuha ng Bar Exam sa pag-asang makakamit na niya ang kanyang pangarap.

Gayunman, sa ikatlong pagkakataon ay hindi pa rin siya pinalad na makapasa.

Sa kabila nito, nananatiling positibo si Nanay Natividad at naniniwalang darating ang tamang panahon para ipagkaloob sa kanya ang tagumpay. Iginiit niya na kung tunay na determinado ang isang taong maging abogado, kailangan niyang magpatuloy at sumubok nang sumubok hangga’t may pag-asa.