BAGUIO CITY — Naglabas ng opisyal na pahayag ang Pinget National High School kaugnay ng isang video na kumakalat sa social media na kinasasangkutan ng kanilang mga mag-aaral.
Ayon sa paaralan, batid nila ang insidente at mariing binigyang-diin na walang lugar sa kanilang institusyon ang pisikal na pananakit, pambubully, o anumang uri ng pang-aabuso.
Sinabi ng pamunuan na seryoso nilang tinututukan ang anumang uri ng misconduct at nakatuon sila sa pagpapanatili ng ligtas, maayos, at suportadong learning environment para sa lahat ng mag-aaral.
Samantala, nanawagan ang paaralan sa publiko na itigil ang pagbabahagi, pagre-repost, at pagpapakalat ng naturang video, dahil mga menor de edad ang mga sangkot.
Ayon sa paaralan, ang patuloy na pagpapakalat ng video ay maaaring magdulot ng pampublikong kahihiyan at panghuhusga, online harassment at masasakit na komento, cyberthreats, at iba pang uri ng digital abuse laban sa mga batang sangkot.
Maaari rin anilang magdulot ito ng patuloy na trauma at lalo pang magpalala sa epekto ng insidente sa mga kabataan.
Hiniling ng Pinget National High School sa publiko at online community na hayaan ang mga kinauukulang awtoridad, school officials, at social workers na maayos na matugunan ang insidente.
Ayon sa paaralan, aktibo nang kumikilos ang kanilang Child Protection Committee at administrasyon upang tugunan ang sitwasyon alinsunod sa umiiral na mga protocol at regulasyon ng paaralan.
Nanawagan din ang pamunuan sa lahat na igalang ang dignidad, privacy, at kapakanan ng mga mag-aaral habang isinasagawa ang kaukulang proseso.
Nagpasalamat naman ang paaralan sa publiko sa pakikipagtulungan at pang-unawa, at hinikayat ang lahat na makiisa sa kanilang layunin na maprotektahan ang mga mag-aaral.










