Nagtapos ngayong Easter Sunday ang apat na araw na red-carpet treatment para sa pitong bisita na napili ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club bilang mga Lucky Summer Visitors ngayong taon.
Matatandaan na noong Abril dise siete ay nagtungo sa Pugo, La Union ang mga opisyal at miyembro ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club, kabilang ang Bombo Radyo, upang pumili ng mga bisitang unang beses aakyat sa City of Pines.
Umabot sa siyam na bus ang kanilang pinara bago napili ang pitong magkakamag-anak mula Pasig City, kabilang ang mag-asawang sina Carolyn Andres Celestino, 57; Ricardo Celestino Jr., 62; kasama ang kanilang anak at mga apo na sina Julia Celestino, Eunice Celestino, Eugin Celestino, Jerome Celestino, at Jellyn Bautista.
Nagsimula ang kanilang four-day adventure noong Huwebes, kung saan libre ang kanilang accommodation, pagkain, transportasyon, at pamamasyal sa iba’t ibang pasyalan sa Baguio City at lalawigan ng Benguet.
Una nilang binisita ang Lion’s Head, Camp John Hay, Wright Park, Tam-Awan Village, at The Mansion sa Baguio City; Northern Blossoms tour at sunrise viewing sa Atok, Benguet; Beacon Eco Park at Polig Farm sa Tublay, Benguet; at strawberry picking naman sa La Trinidad, Benguet.
Kaninang umaga, naranasan din nila ang boating at biking sa Burnham Park, Baguio City. Nakatakda namang isagawa ang send-off ceremony para sa mga Lucky Summer Visitors mamayang ala-una ng hapon, at inihatid sila sa bus terminal pabalik ng Pasig City bandang alas-dos ng hapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa pamilya Celestino, ibinahagi nila ang kanilang labis na tuwa at excitement dahil sa natatanging pagkakataong makapagdiwang bilang isang buong pamilya sa lugar na matagal na nilang pinapangarap mapuntahan.
Ang Search for Lucky Summer Visitors ay isang taunang programa ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club—ang pinakamalaki at pinakamatagal nang asosasyon ng media practitioners sa Baguio City at Benguet—katuwang ang iba’t ibang ahensya upang bigyan ng natatanging karanasan ang mga first-time visitors sa Baguio-Benguet. Isinasagawa ito tuwing Semana Santa bilang bahagi ng summer tourism promotion ng rehiyon, mula Maundy Thursday hanggang Easter Sunday.