Nag-utos ng audit si Philippine National Police chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. sa pagsusuri sa financial records ng lahat ng regional training units sa buong bansa matapos mabunyag ang umano’y rental kickback scheme sa isang training unit ng Philippine National Police sa Cordillera Administrative Region.
Ayon kay Nartatez, layunin ng hakbang na mabigyan ng katiyakan ang mga trainee at publiko na hindi kukunsintihin ang anumang uri ng katiwalian.
Inatasan niya ang mandatory audit sa lahat ng lease agreements ng mga trainee, at binigyang-diin na dapat ay transparent at dokumentado ang bawat transaksyon.
Batay sa ulat ng PNP, pinagbabayad umano ang mga trainee sa Regional Special Training Unit-CAR ng karagdagang ₱600 bukod sa ₱3,000 na upa, na ginagamit umano para sagutin ang renta ng kanilang Field Training Officers.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na may kahina-hinalang lease agreements mula 2023 hanggang 2025, na posibleng indikasyon ng sistematikong iregularidad. Bagama’t nakapagtapos na ang mga apektadong batch, pinag-aaralan na ang posibleng pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo.
Inatasan din ang Criminal Investigation and Detection Group at Anti-Cybercrime Group upang alamin kung may kaparehong modus sa iba pang training units sa bansa.











