BAGUIO CITY – Muling pinatunayan ng Police Regional Office Cordillera ang kanilang titulo bilang tahanan ng mga disiplinadong pulis sa bansa
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCol. Marcial Paclibon, Regional Director ng Internal Affairs Service – Cordillera, naitala ng rehiyon ang pinakamababang kaso ng administrative complaints kung ikukumpara sa ibat-ibang Regional Offices ng pulisya sa bansa.
Aniya, dalawampu’t anim lamang na administrative complaints ang naisampa laban sa mga pulis sa Cordillera batay sa kanilang isinagawang evaluation at re-investigation noong nakaraang taon.
Ayon sa kanya, katumbas lamang ito ng 0.34% mula sa kabuuang bilang ng mga personnel ng nasabing ahensiya.
Sinabi pa ni PCol. Paclibon na mga minor offense lamang ang naisampa laban mga police personnel ng rehiyon.
Kabilang dito ang hindi nila pagsuporta sa kanilang anak, pananakot, physical injury, illegal gambling at iba pa.
Gayunpaman, pinaalalahanan ni PCol. Paclibon na obligasyon ng mga pulis na suportahan ang kanilang mga anak, legitimate man o illegitimate, dahil paglabag ito sa Republic Act 9262.
Ipinaliwanag naman ng nasabing opisyal na kung may kinakaharap na kaso ang isang pulis ay agad itong marerelieve sa pwesto lalong-lalo sa mga major offenses para tuloy-tuloy ang imbestigasyon.
Samantala, pinuri ni PCol. Paclibon si PBGen. David Peredo Jr, Regional Director ng Police Regional Office Cordillera dahil sa kanyang magandang pamamahala sa rehiyon.