--Ads--

BAGUIO CITY – Tuloy tuloy pa din ang paggawa at pagsasaayos ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga polisya nito upang mapagtibay pa ang reserve force ng pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Rear Admiral Robert Empedrad, Deputy Chief of Staff for Reservists and Retiree Affairs ng AFP, sinabi niya na nagsagawa sila ng conference-workshop sa Philippine Military Academy upang maisaayos ang pwersa ng mga reservists.

Sinabi niya na ilan sa mga napag-usapan dito ay ang pagpapabilis sa pagkuha ng mga reserve force dahil ilan sa mga nag-aapply dito ay umaatras dahil sa mabagal at matagal na pagproseso sa kanilang mga aplikasyon.

Dahil dito ay sinabi niya na aayusin din nila ang organisasyon ng mga reservists upang sakaling ipatawag sila para sa rescue operation o kung may digmaan ay mapapadali ang kanilang pagsama sa mga regular forces.

Aniya, sa buong bansa ay aabot na sa 385,000 ang kabuuang bilang ng mga reservists ngunit una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kailangan umabot ito ng dalawang milyon.

Hinikayat naman ng opisyal ang mga mamamayan na maging reservist ang mga ito upang makatulong sila sa pagsasaayos at pagpapaganda sa bansa.