Patuloy na inaasahan ang pag-ulan sa probinsya ng Benguet dulot ng Hanging Habagat na napalalakas ng Typhoon Dolphin.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cathlyn Labanco, weather specialist ng PAGASA Baguio, sinabi niyang inaasahang aabot sa 200-400 millimeters ang dami ng pag-ulan ngayong araw. Dahil dito, posible ang paglitaw ng mga secondary hazards gaya ng landslide at flash flood.
Ayon pa kay Labanco, posibleng maramdaman ang epekto ng Hanging Habagat hanggang Lunes, kaya inaasahan pa rin ang patuloy na malalakas na pag-ulan sa Benguet.
Samantala, mababa naman ang posibilidad na tuluyang pumasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR ang Typhoon Dolphin dahil patungo ito sa bansang China.
Sa kabilang banda, patuloy ding minomonitor ng PAGASA ang isang Low Pressure Area na may mataas na posibilidad na maging bagyo at tatawaging Neneng kapag nabuo at inaasahang papasok ito sa PAR sa susunod na linggo.
Dagdag pa ni Labanco, tinatayang dalawa hanggang apat na bagyo ang posibleng pumasok sa bansa.
Muli namang nagpaalala si Labanco sa publiko na patuloy na mag-ingat at manatiling alerto lalo na sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng landslide at flash flood. | via Bombo Khey Reparip











