Ibinahagi ng isang konsehal ng lungsod ng Baguio na may inihain umanong proposed ordinance kaugnay sa naganap na shooting incident sa Zamboanga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Edison Bilog, Konsehal ng Baguio City, sinabi niyang layunin ng panukala na gawing institutionalized ang tinatawag na “I-ADD” protocol bilang gabay sa mga estudyante at guro sakaling magkaroon ng kahina-hinalang sitwasyon o insidente ng karahasan sa paaralan.
Ang “I-ADD” ay nangangahulugang:
I – Identify – Tukuyin ang kahina-hinalang kilos o sitwasyon at agad itong i-report.
A – Avoid – Umiwas at lumayo sa lugar kung saan may banta o panganib.
D – Deny Access – Isara o i-lock ang access sa classroom at manatiling tahimik at ligtas.
D – Defend – Depensahan ang sarili kung kinakailangan.
Ayon kay Bilog, magkakaroon din umano ng simulation sa mga paaralan dalawang beses kada taon, kasama ang mga seminar upang maging pamilyar ang mga estudyante at guro sa tamang hakbang sa oras ng emergency.
Sa ilalim ng proposed ordinance, magiging bahagi ng obligasyon ng mga paaralan ang pagpapatupad ng naturang safety measures, katuwang ang Baguio City Government, Baguio City Police Office (BCPO), at iba pang concerned offices.
Umaasa si Bilog na maaaprubahan ang panukala upang makatulong na maiwasan o mabawasan ang mga insidente ng karahasan sa mga paaralan, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang bahagi ng mundo.











