Nanawagan ang prosecution team sa Senate impeachment court na payagan ang paglalabas ng bank at tax records ni Vice President Sara Duterte, ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, at ng kanilang mga kaugnay na negosyo bilang bahagi ng impeachment trial.
Ayon kina House trial spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at private prosecutor Benjamin Tolosa Jr., makabubuti sa interes ng publiko ang pagsasapubliko ng lahat ng kaugnay na ebidensya upang matukoy ang katotohanan.
Layunin ng prosekusyon na gamitin ang mga rekord bilang ebidensya sa Article II ng Articles of Impeachment, na nag-aakusa kay Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, kakulangan sa tamang deklarasyon ng SALN, at pagpapatuloy umano sa paghawak ng interes sa negosyo habang nanunungkulan bilang bise presidente.
Iginiit ni Tolosa na ang impeachment trial ay para sa pananagutan at dapat mabigyan ng pagkakataon ang hukuman na suriin ang lahat ng kaugnay na ebidensya bago magpasya.








