--Ads--

Inaasahang magsasagawa ngayong araw ng protesta ang mga kabataan sa lungsod ng Baguio laban sa Pax Silica at sa umano’y lumalawak na impluwensiya ng Estados Unidos sa Pilipinas, kasabay ng isinasagawang ASEAN Summit.

Kasunod ito ng matagumpay na protesta noong Biyernes, kung saan lampas sa inaasahan ng mga organizer ang bilang ng mga nakilahok na estudyante mula sa University of the Cordilleras (UC), University of Baguio (UB), Saint Louis University (SLU), UP Baguio, Benguet State University, Baguio City National High School, at iba pang paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bdog Constantino, spokesperson ng League of Filipino Students (LFS) Baguio-Benguet, sinabi nitong lumampas sa kanilang inaasahan ang bilang ng mga nakilahok sa protesta at unang malakihang pagkilos pa lamang ito at inaasahan nilang magkakaroon ng multisectoral rally sa Malcolm Square mamayang hapon. Gayunman, nakadepende pa rin umano ang bilang ng mga makikilahok sa availability ng bawat grupo o indibidwal.

Una nang binigyang-diin ni Constantino na aktibong nakikilahok ang kabataan sa mga protesta dahil direktang nararanasan nila ang epekto ng krisis sa ekonomiya at edukasyon.

Kinuwestiyon din niya kung tunay bang makatutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino ang mga dayuhang pamumuhunan at pakikipagtulungan ng pamahalaan sa Estados Unidos, partikular sa larangan ng edukasyon at pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo.

Giit ni Constantino, nais ng kabataan na maisulong ang mga hakbang na tunay na magbibigay-prayoridad sa kapakanan at kinabukasan ng mamamayang Pilipino.