BAGUIO CITY – Tiniyak ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio na matatapos bago matapos ang taon ang artificial football pitch na itinatayo sa Teachers Camp sa Baguio City sa pakikipagtulungan ng Philippine Football Federation (PFF).
Ayon kay Gregorio, matapos mailatag ang drainage system at artificial turf, inaasahang magagamit na ang pasilidad na magbibigay ng mas maraming pagkakataon sa libu-libong kabataan na makapaglaro ng football.
Sinabi rin niya na isinasagawa na ang pagtatayo ng mga bleachers sa paligid ng football field at nakikipag-ugnayan ang PSC sa Department of Education upang magdagdag ng parking spaces para sa mga gagamit ng pasilidad.
Naniniwala si Gregorio na ang bagong football pitch ay higit pang magpapalakas sa pag-unlad ng football sa Baguio at sa iba pang bahagi ng bansa.











