Nasawi ang isang pulis mula sa Northern Samar Police Provincial Office (NSPPO) habang ginagampanan ang kanyang tungkulin matapos tumaob ang sinasakyang bangka noong Agosto 2, 2025 sa Las Navas, Northern Samar.
Kinilala ang biktima na si Police Executive Master Sergeant (PEMS) Harry Mangiga Palao-ay, 42-anyos, miyembro ng Northern Samar Provincial Explosive and Canine Unit (NSPECU), isang espesyal na yunit ng pulisya na tumutugon sa mga bomb threat at nagsasagawa ng post-blast investigations.
Galing sila noon sa Brgy. San Isidro matapos magsagawa ng crime scene processing kaugnay ng isang armadong engkuwentro sa nasabing lugar. Sa kanilang pagbabalik, tumaob ang motorbanca na sinasakyan ng grupo. Sa kasamaang palad, nalunod si PEMS Palao-ay.
Ayon kay PCOL Sonnie B. Omengan, Provincial Director ng NSPPO, isang malaking kawalan si Palao-ay hindi lang sa kanilang opisina kundi sa buong hanay ng PNP.
Si Palao-ay ay tubong La Trinidad, Benguet at isang responsableng padre de pamilya.
Ang kanyang pagkamatay ay nagsisilbing paalala sa mga panganib na kinakaharap ng mga pulis araw-araw, lalo na sa mga espesyal na yunit.
Patuloy na nakikiisa sa pagluluksa ang buong hanay ng pulisya sa Northern Samar at nagpapaabot ng pakikiramay sa naiwang pamilya ni PEMS Palao-ay.