--Ads--

Pinagtibay ng Quezon City at Baguio City ang isang alyansa sa Montañosa Film Festival, layong palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang UNESCO Creative Cities—Quezon City bilang Creative City of Film at Baguio City bilang Creative City of Crafts and Folk Arts.


Pinangunahan ang pagpirma ng kasunduan nina Mayor Joy Belmonte at Mayor Benjamin Magalong, kasama ang mga kinatawan mula sa Creative Baguio City Council, QCinema, UNESCO National Commission of the Philippines, at mga lokal na artist tulad ni National Artist Kidlat Tahimik.


Sa ilalim ng alyansa, magkakaroon ng palitan ng mga artista at filmmaker, joint projects, at pagsasanay, kasabay ng integrasyon ng tradisyunal na sining ng Cordillera sa pelikula. Kasama rin ang partisipasyon sa mga festival, eksibisyon, at screening, pati na ang promosyon at kaalaman sa internasyonal na plataporma.


Ani Mayor Belmonte, “Ang creativity ay lifeline ng ating mga lungsod. Sa pagtutulungan ng iba’t ibang disiplina, mas mapapalakas natin ang kakayahan nating maunawaan ang ating kultura at malikhaing identidad.”


Kasabay ng alyansa, inihayag ang transformasyon ng Quezon City Film Commission sa Quezon City Screen Commission upang suportahan ang lahat ng anyo ng screen-based storytelling. Si Ed Lejano, Artistic Director ng QCinema International Film Festival, ang itinalagang bagong pinuno.


Itinalaga ang Quezon City bilang UNESCO Creative City of Film noong 2025, kilala sa QCinema International Film Festival at aktibong komunidad ng filmmakers. Kabilang din ang lungsod sa UNESCO Global Network of Learning Cities at pilot cities ng Media and Information Literacy initiative.


Sa pamamagitan ng alyansang ito, inaasahan ang mas malawak na oportunidad para sa mga artist at filmmaker mula sa dalawang lungsod, na nagtataguyod ng sining, kultura, at malikhaing inobasyon sa pambansa at pandaigdigang antas.