--Ads--

BAGUIO CITY – Patuloy na isinasagawa ng mga residente ng Bontoc, Mt. Province ang Manerwap, isang rain-calling ritual para hilingin kay Lumawig ang pagbuhos ng ulan.

Ang naturang ritwal ay nagsasangkot ng paglalakbay sa mga sagradong lugar sa kabundukan, mga panalangin kay Lumawig, pag-aalay ng alak at tabako sa mga ninuno, at pagtugtog ng mga gong.

Naniniwala ang mga residente na sa pamamagitan nito ay maisalba ang kanilang bayan mula sa mas malalang epekto ng El Niño Phenomenon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Bontoc Mayor Jerome Chagsen Tudlong Jr., isinagawa nila ang “manerwap” sa tulong ng mga matatanda noong nakaraang buwan ng Marso dahil sa kakulangan ng tubig na pandilig sa mga pananim at pagresponde sa mga sunod-sunod na forest fire.
Aniya, pagkatapos lamang ng ilang araw ay bumuhos ang malakas na ulan at tinawag nila itong kasagutan sa kanilang panalangin.

Gayunpaman, hindi na ito nasundan, kaya ipinagpatuloy nila ang pagsasagawa sa naturang ritwal.

Samantala, pansamantalang nasuspendi ang operasyon ng ilang homestay at accomodation establishment sa Sagada, Mt Province dahil pa rin sa kakulangan ng tubig.

Naniniwala naman si Sagada Mayor Felicito Dula na babalik sa normal na operasyon ang mga negosyo sa lalong madaling panahon lalong-lalo na at isa ang kanilang bayan sa dinarayo ng maraming turista.