--Ads--

BAGUIO CITY — Ipinagdiwang ng Baguio City ang panibagong tagumpay ng tubong-Baguio na si Raymond Paris Cabuco, matapos niyang maiuwi ang titulong Mister Globe Philippines 2026 sa katatapos na Mister World Philippines 2026 Finals Night na ginanap sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay City.

Bukod sa pangunahing titulo, nasungkit din ni Cabuco ang ilang espesyal na parangal, kabilang ang Mr. Newport World Resorts, Mr. ALV Stars, OK Games Ambassador, Best in Formal Wear, at Mr. Talent.

Bilang kinatawan ng Baguio City, nakatakdang katawanin ni Cabuco ang Pilipinas sa Mister Globe 2026 na gaganapin sa Nobyembre.

Nagpaabot ng pagbati ang kilalang hotel, na nagpahayag ng kanilang pagmamalaki sa naging pagganap ni Cabuco sa kompetisyon. Ayon sa kanila, ipinakita niya ang kumpiyansa, kabutihan, at determinasyon na naging inspirasyon sa marami at patunay na natutupad ang mga pangarap sa pamamagitan ng sipag at matibay na pananampalataya.

Samantala, binati rin ng University of Baguio – School of International Hospitality and Tourism Management (UB-SIHTM) ang kanilang alumnus sa pagkapanalo. Ayon sa pamunuan ng paaralan, ang tagumpay ni Cabuco ay sumasalamin sa kanilang layunin na hubugin ang mga mag-aaral tungo sa kahusayan hindi lamang sa akademiko kundi maging sa iba’t ibang larangan.

Patuloy na susuportahan ng unibersidad si Cabuco habang naghahanda siyang dalhin ang bandera ng Pilipinas at ipakita ang galing, talento, at mabuting pagkamapagpatuloy ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.