BAGUIO CITY-Puspusan na ang paghahanda ng rehiyon Cordillera sa posibleng pagtama ng Super Typhoon MAWAR.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo radyo kay Frankie Cortez ang Office of the Civil Defense -Cordillera Operations Section Chief sinabi niya na patuloy ang kanilang koordinasyon sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
Sinabi pa niya na binabantayan nila ang mga barangay sa rehion na delikado sa pagguho ng lupa at pagbaha lalong-lalo na sa probinsya ng Kalinga, Ifugao , Benguet at Baguio City.
Pinaalalahan na din niya ang mga minero sa pagdating ng supertyphoon MAWAR sa posibleng pagguho ng lupa.
Kasunod ng paalala ng ahensya sa publiko na maging alerto at sumunod sa mga weather advisories para maiwasan ang mas malala pang sitwasyon.
Sa kasalukuyan nananatiling nakasara ang Kennon road sa mga bisita na aakyat sa Baguio City at bukas lamang ito sa mga residente ng naturang lugar dahil na rin sa serye ng pagguho ng lupa.
“Dito po sa ating Cordillera Administrative Region same pa rin po ‘yung mga binabantayan nating scenario….mga landslide, flooding na pwede pong mangyari dito po sa ating area lalo na dito sa bulubunduking area ng Cordillera na very susceptible to landslide and flooding”
Samantala sa panayam ng Bombo radyo kay Department of Social Welfare and Development Regional Field Office-Cordillera Regional Director Leo Quintilla, sinabi nito na nakahanda na ang mga stockpile ng food at non-food items sa iba’t-ibang Regional at Satellite Warehouses ng rehion.
Ayon pa sa kanya, nakahanda na ang aabot sa mahigit 40 thousand na Family Food Packs; 28 thousand na Non-Food Items; mahigit 6 thousand na Ready to eat Food items at nakahanda na rin ang Php12.9 Milyon na standby funds na ipapamahagi sa mga posibleng maapektuhan ng nasabing bagyo.
“So binabantayan natin yung mga possible na rain induce landslide sa ating areas dito sa Cordillera at possible flasflood sa ating area, at nakastandby na ating mga quick response team…”