--Ads--

Labis umano ang naging kalungkutan ni Marven Linoy, ang nagligtas sa Philippine eagle na si Sawaga-Dalwangan, na inatake ng mahigit 30 unggoy sa Bukidnon, matapos niyang malaman na pumanaw ang agila noong Hulyo 18, Sabado.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Merly Omarol Suday, General Manager ng ITMPC, sa programang Good Morning Philippines nitong Hulyo 19, sinabi niyang nang mabalitaan ni Marven ang pagkamatay ng agila, agad itong nagtungo sa bundok kung saan natagpuan si Sawaga-Dalwangan upang magsagawa ng ritwal at mag-alay ng panalangin bilang paggalang sa namatay na ibon.

Ayon kay Suday, sinabi ni Marven na halos mawalan na umano ng buhay ang agila nang matagpuan niya ito, ngunit nailigtas niya ito kaya labis ang kanyang lungkot nang malamang namatay pa rin ito. Kinuwestiyon din umano ni Marven kung bakit ito namatay gayong sinabi ng mga kinauukulan na naging stable ang kondisyon nito noong mga nakaraang araw.

Ikinuwento ni Suday na noong Hulyo 3, 2026, nagtungo si Marven kasama ang kanyang mga pinsan sa bundok upang tingnan ang kanilang coffee farm at ilang tanim na bulaklak. Habang naroon, balak sana nilang mamitas ng passion fruit nang makarinig si Marven ng isang hindi pangkaraniwang malakas na ingay mula sa kagubatan.

Dahil dito, sinundan niya ang pinanggagalingan ng tunog at nakita ang napakaraming unggoy. Una niyang inakala na isang mailap na manok ang inaatake ng mga ito. Kaya naman tumahol siya na parang aso upang takutin ang mga unggoy. Dahil dito, nagsitakbuhan ang ilan habang ang iba ay umakyat sa mga puno. Doon niya nakita si Sawaga-Dalwangan na nakabulagta sa lupa, nanginginig at halos wala nang lakas.

Agad umanong hinubad ni Marven ang kanyang jacket at itinakip ito sa agila upang maprotektahan ito habang naghihintay ng saklolo. Pagkatapos ay bumalik siya sa kanyang mga kasama upang humingi ng tulong.

Isa sa kanyang mga kasamahan na si Janessa ang nagpadala ng mensahe upang humingi ng agarang saklolo dahil sa kritikal na kondisyon ng agila.

Kaagad namang nakipag-ugnayan si Suday sa kanilang tribal chieftain ngunit hindi ito makontak. Dahil dito, tumawag siya sa kanilang barangay captain, na agad namang umaksyon. Nakipag-ugnayan din siya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), na nag-utos na dalhin ang agila sa pinakamalapit na lugar na madaling marating ng rescue team.

Kasunod nito, tumawag ang barangay captain at ang DENR ng doktor upang suriin ang agila. Bandang ala-1:00 ng hapon ay umakyat ang rescue team sakay ng tatlong sasakyan patungo sa sitio kung saan naroon ang agila. Matapos itong mabigyan ng paunang lunas, itinurn-over ito sa pangangalaga ng DENR.

Nang tanungin kung madalas silang makakita ng Philippine eagle sa lugar, sinabi ni Suday na karaniwan silang nakakakita ng mga agila sa kabundukan. Aniya, nitong nakaraang Huwebes ay may namataan silang isang agila na palipad-lipad sa lugar at pinaniniwalaang hinahanap ang kapareha nito at tila umiiyak.

Ayon pa kay Suday, ito ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng ganitong insidente. Aniya, hindi nila kailanman sinasaktan o ginagalaw ang mga agila dahil sagrado ang mga ito para sa kanilang mga katutubo. Naniniwala sila na may kapalit na buhay ang pananakit sa isang agila, kaya naman mahigpit nila itong pinangangalagaan.

Samantala, nanawagan si Suday sa publiko na pangalagaan ang mga natitirang Philippine eagle at magtulungan upang maparami pa ang kanilang populasyon.