Nais ng mga residente ng Itogon, Benguet, lalo na ang mga apektadong komunidad, na mas malinaw na maipaliwanag ang planong pagpapalawak ng pagmimina o ang tinatawag na Sangilo Mines Expansion (APSA103) Project ng Itogon Suyoc Resources Inc. (ISRI).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Rima Balacdao Mangili ng Itogon Inter-Barangay Alliance, dapat ibunyag ng kumpanya ang mga aktibidad nito sa komunidad, dahil base sa kanilang karanasan sa mga nakaraang proyekto ng mining companies sa lugar, hindi palaging naibibigay ang kumpletong impormasyon.
Bagama’t nagkaroon ng kamakailang public scoping na dinaluhan lamang ng ilang indibidwal, iginiit ni Mangili na dapat itong isagawa sa barangay at gamitin ang mas simpleng paliwanag upang maintindihan ng mga ordinaryong residente. Dagdag pa niya, mahirap para sa kanila ang mga teknikal na termino na kadalasang ginagamit ng kumpanya.
Kaya naman, hinihiling ng grupo na mabigyan sila ng sapat na araw upang maayos na pag-aralan ang proyekto. Ayon sa impormasyong natanggap ni Mangili, balak palawakin ng kumpanya ang minahan sa ibabaw lamang ng lugar, subalit may pag-aalinlangan siya dahil naniniwala siyang maaaring palawakin din ito sa ilalim ng lupa.









