TUBA, Benguet – Isang lalaki ang nasawi habang sugatan naman ang kanyang angkas matapos mahulog ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang 150-metrong bangin sa Sitio Tokang, Camp 3, Tuba, Benguet nitong Pebrero 26, 2025.
Batay sa ulat ng Tuba Municipal Police Station (MPS), bandang 11:55 ng umaga, binabaybay ng isang Honda Motorcycle na minamaneho ni John Nino Alicante ang daan patungo sa Baguio City nang bigla itong lumihis patungo sa southbound lane.
Bumulusok ang motorsiklo sa isang konkretong harang bago tuluyang mahulog sa bangin.
Agad nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng Tuba MPS, katuwang ang mga opisyal ng Barangay Camp 3 at Barangay Twinpeaks.
Ang back rider na kinilalang si Angel Mabitasan ay agad isinugod sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) para sa agarang medikal na atensyon.
Samantala, natagpuang walang malay si Alicante nang dumating ang mga awtoridad.
Bandang 1:58 ng hapon, idineklara siyang patay sa mismong lugar ng insidente.
Batay sa inisyal na pagsusuri, posibleng sanhi ng kanyang pagkamatay ang malubhang pinsala sa ulo, bali sa bungo, at iba pang multiple fractures.
Dinala ang kanyang labi sa Cosmopolitan Funeral Homes sa Marcos Highway, Baguio City.
Samantala, patuloy naman ang pagpapagaling ng isa pang biktima sa pagamutan.