--Ads--

Inatasan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 64 sa Abatan, Buguias, Benguet ang mga residenteng nagpoprotesta na itigil ang pagbabarikada at pagharang sa mga kalsadang patungo sa drilling sites ng Crescent Mining and Development Corporation (CMDC).

Nagpalabas si Presiding Judge Daniel Dazon Mangallay ng 72-oras na temporary restraining order (TRO) noong Hulyo 10 matapos igiit ng kumpanya na naaantala ang kanilang drilling operations at nagdudulot ito ng malaking pinsala. Nakatakda ang pagdinig sa Hulyo 13 upang pagpasiyahan kung palalawigin ang TRO.

Ayon sa CMDC, hindi makapasok ang kanilang mga kagamitan sa exploration sites dahil sa patuloy na mga piket at roadblock. Pinahintulutan din ng korte ang sheriff na humingi ng tulong sa mga awtoridad upang ipatupad ang kautusan.

Patuloy namang tumututol ang mga residente at estudyante ng Bulalacao at Guinaoang sa proyekto dahil sa pangamba sa magiging epekto nito sa kanilang lupang ninuno, pinagkukunan ng tubig, at kabuhayan.

Nagsimula ang mga protesta noong 2022 matapos i-renew ng pamahalaan ang 25-taong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng kumpanya. Iginiit ng mga residente na isinagawa ang 533.4-ektaryang exploration project nang walang Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) ng mga katutubo. Sa kabila ng mga konsultasyong isinagawa ng pamahalaan, patuloy nilang tinututulan ang proyekto at kinukuwestiyon ang legalidad ng pag-renew ng mining permit.