BAGUIO CITY – Nakatakdang i-turn over sa National Meat Inspection Services ang sako-sakong nakatay na aso na nasabat mula sa isang pick-up sa checkpoint na isinagawa ng pulisya sa Longlong, La Trinidad, Benguet kagabi.
Ayon sa La Trinidad PNP, habang iniinspeksyon ang nasabing sasakyan na may plakang WCR-994 ay nakaamoy sila ng kakaiba mula sa mga sakong karga nito.
Agad nilang binuksan ang mga sako kung saan, tumambad sa kanila ang mga nakatay na aso na wala nang mga lamang-loob.
Dahil dito ay inaresto ng mga pulis ang driver ng sasakyan na si Elvis Salagan Darisan, 30, tubong Apayao na residente ng Cavite at ang kasama nito na si Ray Medina Malecdan, 44, ng Sagada at residente ng Baguio City.
Sinabi umano ng mga suspek na galing ng Pangasinan ang mga kinatay na aso at idedeliber nila ito sa isang tao sa La Trinidad, Benguet.
Sa ngayon ay nahaharap sila sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act, Anti-Rabies Act at Meat Inspection Code of the Philippines.