Ipinakita sa House justice committee hearing na walang idineklarang cash on hand at bank deposits si Vice President Sara Duterte sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) mula 2019 hanggang 2024.
Sa pagtalakay ng impeachment complaints laban kay Duterte, sinuri ni Manila 2nd District Rep. Joel Chua ang kanyang SALN mula 2007 hanggang 2024.
Ayon sa datos, ang kabuuang net worth nina Duterte at kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio ay tumaas mula P55 milyon noong 2019 hanggang P88 milyon noong 2024. Gayunman, walang nakasaad na cash on hand o bank deposits sa mga taong ito.
“Ibig sabihin, mula 2019 hanggang 2024, wala silang dineklarang kahit singko na cash on hand,” ayon kay Chua.
Kinumpirma rin ni Atty. Karen Batu ng Office of the Ombudsman, bilang SALN custodian, na “walang nakalagay na cash on hand o deposito” batay sa isinumiteng SALN.
Dahil dito, ipinatawag ng House panel ang Commission on Audit (COA) at Ombudsman upang magbigay ng paliwanag sa impeachment proceedings.









