--Ads--

Nasa pangangalaga na ng isang Residential Care Facility ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si Mharre Rachel Bravo, ang sanggol na iniwan sa labas ng isang bahay sa Pinget, Baguio City, matapos itong ma-discharge mula sa ospital.

Ayon kay Felisa Singlan, Officer-in-Charge ng Regional Alternative Care Coordination Office–Cordillera (RACCO-CAR), hindi pa maituturing na legally available for adoption ang bata hangga’t hindi natutukoy o natatagpuan ang kanyang mga magulang.

Nilinaw din ni Singlan na ang residente na nagdala sa sanggol sa ospital ay hindi awtomatikong maaaring pumili o magrekomenda kung sino ang puwedeng umampon.

May nakalatag na legal na proseso at requirements na dapat sundin bago maipasa sa mga prospective adoptive parents ang isang bata.

Batay sa datos ng RACCO-CAR, may limang mag-asawa sa rehiyon na nakatanggap na ng order of adoption and finality at kasalukuyang naghihintay ng mga batang maidedeklarang legally available for adoption.

Matatandaan na noong madaling araw ng Agosto 12, 2025, natagpuan ang naturang sanggol na iniwan sa labas ng isang bahay sa Pinget.

Agad naman itong isinugod sa ospital ni Johnny Alasaas, ang residenteng nakakita sa bata.//Bombo Cara Sacyaten