--Ads--

Sinusuportahan ng Sangguniang Bayan ng La Trinidad, Benguet ang laban ng dalawang barangay sa Mankayan, Benguet, kontra sa Crescent Mining and Development Corporation o CMDC.

Ayon kay La Trinidad Councilor at Indigenous Peoples Mandatory Representative o IPMR Richard Wacnisen, matapos lagdaan ng lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan ang kanilang resolusyon, ipapamahagi ang kopya nito sa mga concerned agencies at mga partidong sangkot sa isyu.

Kabilang dito ang National Commission on Indigenous Peoples o NCIP-CAR, lokal na pamahalaan ng Mankayan, mga opisyal ng Barangay Bulalacao at Guinaong, CMDC, Mines and Geosciences Bureau o MGB, at Department of Environment and Natural Resources o DENR-CAR.

Ang suporta ng La Trinidad ay nakapaloob sa Resolution No. 426, series of 2026, na sumusuporta at nag-eendorso sa Resolution No. 28, series of 2026, ng La Trinidad Indigenous Peoples Organization o LTIPO.

Layunin umano ng resolusyon na ipakita sa mga Indigenous Peoples ng Barangay Bulalacao at Guinaong na hindi sila nag-iisa sa kanilang paninindigan at may iba pang grupo at institusyong sumusuporta sa kanilang mga karapatan kaugnay sa usapin ng pagmimina.

Ayon kay Wacnisen, inaasahang maipamahagi sa loob ng isang linggo ang kopya ng resolusyon sa mga concerned agency matapos itong unanimously suportahan at lagdaan ng Sangguniang Bayan.