Maaaring mag-convene bilang impeachment court ang Senado sa Lunes, Mayo 18, o “sa pinakamaagang posibleng panahon” matapos matanggap ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano, nakapirma na siya sa isang liham na ipinadala kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy, kung saan kinumpirma ang pagtanggap ng impeachment articles at ipinaalam ang posibleng petsa ng pag-convene ng impeachment court.
Ayon sa liham, inatasan na ang Secretariat na isama ang Articles of Impeachment sa calendar ng ordinary business para sa referral sa impeachment court, na maaaring mag-convene sa Mayo 18, 2026, alas-3 ng hapon o sa pinakamaagang posibleng oras kung walang magiging isyu sa mga patakaran at proseso.
Kapag nag-convene na, inaasahang maglalabas ang Senado ng summons at magtatakda ng iskedyul para sa impeachment trial. Binanggit din ni Cayetano na isa sa mga pangunahing hamon ay ang pagbalanse ng legislative work sa gitna ng kinakaharap na mga isyu.
Noong Miyerkules ng gabi, pormal na natanggap ng Senado ang Articles of Impeachment laban kay Duterte mula sa Kamara. Ang impeachment ay naihain matapos bumoto ang Kamara ng 257-25 pabor sa reklamo kaugnay ng umano’y culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang mabibigat na akusasyon.











