--Ads--

Nasawi ang isang senior citizen matapos sumiklab ang sunog madaling araw ngayong Abril 21 sa North Sanitary Camp, Baguio City.

Ayon kay Mark Anthony Dangatan, naganap ang insidente bandang 1:02 ng umaga sa isang tirahan na matatagpuan sa No. 38 Purok 3. Ang nasabing lugar ay kinabibilangan ng isang single at two-family dwelling na may tinatayang lawak na 60 metro kuwadrado.

Agad namang na-kontrol ang apoy pagsapit ng 1:35 ng umaga at tuluyang naapula bandang alas-2:00.

Kinilala ang may-ari ng nasunog na bahay bilang isang 82-anyos na lalaki na siya ring nasawi sa insidente.

Dalawang pamilya na binubuo ng anim na indibidwal ang naapektuhan ng sunog. Tatlong estruktura ang nadamay, kung saan isa ang tuluyang naabo at dalawa ang bahagyang nasira.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog.