BAGUIO CITY – Tataas ng P0.6450 kada kilowatt-hour (kWh) ang singil sa kuryente ng Benguet Electric Cooperative (BENECO) sa Hulyo 2026, dahilan upang umabot sa P12.2900/kWh ang residential rate.
Ayon sa BENECO, ang pagtaas ay dulot ng patuloy na mataas na presyo ng kuryenteng binibili nito mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), na nagsuplay ng humigit-kumulang 52 porsiyento ng kabuuang pangangailangan sa kuryente ng kooperatiba sa naturang billing period. Tumaas ng P1.0610/kWh ang average na presyo ng kuryente mula sa WESM, habang nadagdagan naman ng P0.0487/kWh ang singil mula sa Therma Luzon, Inc. (TLI).
Gayunman, inaasahan ng BENECO na unti-unting magiging matatag ang generation cost sa pagsisimula ng bagong Power Supply Agreement nito sa Masinloc Power Partners Co. Ltd. (MPCL) sa Hulyo 26.
Ayon kay BENECO General Manager Melchor Licoben, makatutulong ang bagong pinagkukunan ng suplay upang mabawasan ang pagdepende sa pabagu-bagong presyo ng WESM at magbigay ng mas matatag na halaga ng kuryente sa mga susunod na buwan. Inaasahan aniya na mararamdaman ang epekto nito simula sa billing cycle ng Setyembre 2026.
Nilinaw rin ng BENECO na hindi nagbago mula pa noong 2009 ang Distribution, Supply and Metering (DSM) charges at Reinvestment Fund for Sustainable Capital Expenditures (RFSC). Anila, ang mga ito ay bumubuo lamang ng 10 hanggang 14 porsiyento ng kabuuang bayarin sa kuryente, habang ang natitirang singil ay ipinapasa lamang sa mga power supplier, transmission provider, at iba pang kaukulang ahensya.
Hinikayat din ng BENECO ang mga consumer na magtipid sa paggamit ng kuryente sa pamamagitan ng pagmamanman sa kanilang konsumo, paggamit ng energy-efficient appliances, at pag-iwas sa labis na paggamit ng kuryente lalo na sa oras ng mataas na demand.











