--Ads--

BAGUIO CITY-Bigong makahukay ng katawan ng tao ang mga local responders mula sa natabunang gusali ng DPWH sa Banawel, Natonin, Mountain Province kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo-Baguio kay Mayor Mateo Chiyawan, sinabi niyang patuloy na pinaghahanap ang anim na kataong kasama sa natabunan.

Aniya, aabot sa 24 ang kabuuang bilang ng mga narekober na bangkay kung saan 22 sa mga ito ang narekober sa mismong ground zero habang dalawa ang narekober sa labas ng ground zero.

Kaugnay nito ay sinabi ng alkalde na aabot sa mahigit 300 volunteers ang nagtutulungan para sa local retrieval operations na kinabibilangan ng mga nagmula sa mga kalapit na lalawigan gaya ng Isabela at Ifugao.

Sinabi ng opisyal na may mga volunteers at responders na natutulog sa mismong ground zero para mas maaga nilang maumpisahan ang operasyon.

Samantala, sinabi ng alkalde na bumalik na sa normal ang kalagayan sa Natonin lalo na sa barangay ng Banawel dahil pumapasok na sa paaralan ang mga estudyante at normal na rin ang pasok sa mga trabaho matapos maayos ang mga nasira at natabunang bahagi ng mga kalsada doon.