Hindi pa aalisin ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang state of calamity dahil sa patuloy na epekto ng krisis sa langis kaugnay ng sigalot sa Middle East.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, kinakailangang maging maingat sa paggastos ng pondo upang matiyak na may sapat na pondo para sa mga posibleng susunod na krisis kabilang ang inaasahang matinding El Niño sa kalagitnaan ng taon.
Kabilang sa mga ayuda ng lungsod ang pamamahagi ng tig-50 kilong bigas sa humigit-kumulang 33,000 pamilya na ipatutupad kada linggo sa paunti-unting schedule.
Patuloy din ang Emergency Transport Support Program para sa mga jeepney driver na kasalukuyang nagkakahalaga ng halos isang milyong piso kada linggo at maaaring madoble pagbalik ng klase.
Pinag-aaralan din ng lungsod ang tulong para sa mga MSME kabilang ang posibleng tax relief at micro-loan programs.
Bagama’t may pagtaas sa bilang ng mga turista, nagbabala si Magalong na maaaring bumaba ang kita ng lungsod ngayong taon na posibleng makaapekto sa badyet sa susunod na taon.











