--Ads--

Patuloy pa ring umiiral hanggang sa kasalukuyan ang State of Calamity sa lungsod ng Baguio kaugnay ng patuloy na state of national energy emergency sa bansa.

Ito ay matapos ideklara sa pamamagitan ng Resolution No. 257, Series of 2026 na pinagtibay ng Sangguniang Panlungsod noong Marso 30. Layunin ng naturang deklarasyon na matugunan ang epekto ng kakulangan sa suplay ng enerhiya, partikular sa mga sektor ng kabuhayan, industriya, pagkain, at transportasyon.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa Executive Order No. 110 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagdedeklara ng state of national energy emergency at nagbibigay pahintulot sa pagpapatupad ng mga programang tutugon sa krisis.

Ayon sa resolusyon, kabilang sa mga naapektuhan ang mga pangunahing serbisyo at economic activities sa lungsod, kaya kinakailangan ang agarang aksyon mula sa lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.

Inirekomenda rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang paggamit ng disaster funds upang tugunan ang epekto ng mga aberya sa suplay ng enerhiya na may kaugnayan sa krisis sa Middle East.

Sa ilalim ng deklarasyon, nabibigyan ng kapangyarihan ang pamahalaang lungsod na magmobilisa ng pondo, magpatupad ng kaukulang regulasyon, at makipag-ugnayan sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan para sa implementasyon ng isang unified package para sa iba’t ibang sektor.

Pinagtibay ang resolusyon nang walang pagtutol at nilagdaan nina Vice Mayor Faustino A. Olowan bilang presiding officer at Mayor Benjamin Magalong.