--Ads--

Lumalabas sa paunang imbestigasyon na human-induced ang sanhi ng sunud-sunod na sunog sa kagubatan sa bayan ng Mankayan, Benguet.

Ayon kay SFO2 Elmer Maton, Chief of Operations at Investigator ng Mankayan Fire Station, maaaring dulot ng human activity o aksidente ang mga naganap na sunog. Gayunman, sinabi niyang patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente.

Ang unang sunog ay naitala sa Sitio Bayuyok, Barangay Tabio, Mankayan, Benguet noong Pebrero 2. Iniulat ito sa mga awtoridad dakong alas-5:18 ng hapon, at agad namang rumesponde ang mga bumbero alas-5:19 ng hapon sa parehong araw.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa malakas na hangin, kaya naapektuhan ang iba pang kabundukan at vegetation areas sa paligid. Dahil dito, pinalawig ang fire suppression operations hanggang alas-9:00 ng umaga kinabukasan.

Batay sa imbestigasyon, tinatayang limang ektarya ng kagubatan ang naapektuhan ng sunog. Ayon kay SFO2 Maton, walang naitalang nasunog na istruktura sa insidente. | via Bombo Noveh Organo