--Ads--

BAGUIO CITY – Nasa kritikal ng kondisyon ang suplay ng tubig sa lungsod ng Baguio dahil pa rin sa nararanasang El Niño Phenomenon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni City Administrator Engr. Bonifacio dela Peña, kumukunti na ang tubig sa mga deepwells at water reservoir sa City of Pines.

Ayon kay Dela Pena, may posibilidad din na maideklara ang state of calamity sa lungsod kung magpapatuloy ang kakulangan ng tubig.

Dahil dito, umapela ang nasabing opisyal sa mga residente at mga establishemento sa lungsod na magtipid ng tubig.

Una na ring sinabi sa Bombo Radyo Baguio ni Engineer Salvador Royeca, general manager ng Baguio Water District na hindi na naabot ng suplay ng tubig ang ilang matataas na barangay sa Summer Capital of the Philippines.

Matatandaang huling naranasan ang pagbuhos ng ulan sa Baguio at Benguet noong nakaraang buwan pero hindi na ito nasundan pa.

Samantala, ang pinakamataas na temperatura na naitatala ngayon sa Baguio City ay umaabot sa 25 hanggang 27 degrees celcius.