Ikinalulugod ng Traffic Management Aide group ng City Engineering Office-Transportation and Traffic Management Division (CEO-TTMD) na nagsumite ng ordinansa para itaas ang kanilang suweldo.
Ayon kay Councilor Edison Bilog, Chairman ng Committee on Employment, Livelihood and Cooperatives, mula sa salary grade 3 o humigit-kumulang P13,000, ito ay itataas sa salary grade 5 o humigit-kumulang P15,000.
Ani Bilog, nilalayon na noon pang 2019 na maresolba ang mababang suweldo ng mga Traffic Management Aides. Binanggit niya rin na hindi madali ang kanilang trabaho, kaya nararapat lamang na maipakita ang kaukulang kompensasyon.
Ayon sa isinumiteng ordinansa, ang dagdag na sahod ay ilalapat sa lahat ng posisyon ng kawani ng Traffic Management Aides sa ilalim ng CEO-TTMD.
Ayon kay Arturo Sazon Jr., kinatawan ng Traffic Management Aide at Traffic Management Division (CEO-TTMD), malaking tulong sa kanilang grupo ang pagtaas ng suweldo.
Dagdag pa niya, mas magiging kapaki-pakinabang at makatarungan kung ibibigay rin ang seguridad sa kanilang panunungkulan. Umaasa rin si Sazon na mabibigyan sila ng Protective Equipment upang maiwasan ang aksidente habang nagtatrabaho.
Binigyang-diin niya na ang pagbibigay ng tulong na ito ay responsibilidad din ng lokal na pamahalaan ng Baguio City, at hinihiling niya na maisama sa kanilang mga benepisyo.
Samantala, sasailalim sa masusing pag-aaral ang kahilingan na gawing permanente ang mga traffic management aides, bukod sa kanilang inaasahang dagdag sahod.










