Ibinahagi ni Jessie Nikita Uybaan, isang Shariah Counselor-at-Law at kabilang sa mga bagong nakapasa sa 2026 Shariah Bar Examination, ang kanyang kwento ng tagumpay at paglalakbay sa buhay.
Sa panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi ng 25-anyos na si Jessie Nikita na siya ay ipinanganak sa Tinoc, Ifugao, ngunit kalaunan ay nanirahan sa Marawi City matapos lumipat sa tahanan ng kanyang tiyahin noong siya ay 12 taong gulang. Doon niya ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral at nagsimula ang kanyang paglalakbay patungo sa larangan ng Shariah Law.
Parehong taga-Tinoc, Ifugao ang kanyang mga magulang. Ang kanyang ina ay isang pharmacist sa Tinoc District Hospital, habang ang kanyang ama ay isang magsasaka at nagtatrabaho rin sa kanilang barangay.
Inilarawan niya ang kanyang mga magulang bilang mga taong bukas ang isip at sumusuporta sa kanyang mga pangarap. Aniya, sila mismo ang humikayat sa kanya na sundin ang kanyang nais, dahilan upang maglakbay siya mula Ifugao patungong Mindanao upang pag-aralan ang Shariah Law.
Nag-aral si Jessie ng high school sa Iligan City. Sa kolehiyo naman ay nagtapos siya sa Marawi City, kung saan kinuha niya ang kursong AB Islamic Studies major in Shariah Law. Kalaunan ay nakapag-aral din siya sa Turkey sa pamamagitan ng isang scholarship bago bumalik sa Pilipinas upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Shariah Law.
Nang tanungin kung pangarap na ba niyang maging abogado noon pa man, inamin niyang hindi ito ang kanyang orihinal na pangarap. Ayon sa kanya, nais lamang niyang makapag-explore, makakilala ng iba’t ibang tao, at matutunan ang iba’t ibang kultura at tradisyon. Gayunman, nang makilala niya ang Shariah at Islam, lalo siyang naging interesado rito kaya ito ang kanyang piniling kurso sa kolehiyo.
Ibinahagi rin niya na noong bata pa siya ay nais niyang maging flight attendant o psychologist. Subalit habang nasa kolehiyo, nagbago ang kanyang direksyon sa buhay.
Ayon kay Jessie, malaki rin ang naging impluwensya ng kanyang pag-aaral sa Turkey upang mas lalo niyang maunawaan at mahalin ang Shariah Law.
Nang tanungin kung paano siya napadpad sa Mindanao, sinabi niyang may tiyahin siyang taga-Kiangan, Ifugao na matagal nang naninirahan doon.
Noong siya ay 12 taong gulang, ipinahayag niya ang kanyang kagustuhang sumama sa kanyang tiyahin. Dahil sa kanyang pagiging mausisa at hilig na makapaglakbay at makakita ng bagong lugar, pumayag ang kanyang tiyahin na isama siya sa Mindanao.
Aniya, ang tanging nais lamang niya noon ay makakita ng magagandang tanawin at makakilala ng iba’t ibang tao. Dagdag pa niya, malaki ang naging impluwensya ng kanyang tiyahin sa kanyang naging desisyon.
Nang matanong kung ano ang unang pumasok sa kanyang isipan nang malaman niyang kabilang siya sa mga nakapasa sa 2026 Shariah Bar Examination, sinabi niyang labis siyang nagpapasalamat.
Aniya, bago pa man lumabas ang resulta ay inihanda na niya ang kanyang sarili na tanggapin anuman ang kalabasan ng pagsusulit.
“I am genuinely happy that time.”
Inamin din niyang marami siyang hinarap na pagsubok sa buhay. Isa na rito ang paglayo sa kanyang pamilya at pag-angkop sa bagong kapaligiran, gayundin ang pagbabalanse ng kanyang oras sa pag-aaral at iba pang responsibilidad.
Isa sa pinakamabigat na hamon na kanyang naranasan ay noong ikalawang taon niya sa kolehiyo nang pumanaw ang kanyang ama.
Ayon sa kanya, naging napakahirap ng panahong iyon dahil kasabay ng kanyang pag-aaral ay nagtuturo rin siya at may iba pang responsibilidad. Dahil dito, pansamantala niyang itinigil ang kanyang pag-aaral at naantala siya ng isang taon.
Sa tulong ng Panginoon, nagkaroon siya ng panahon upang makapagpahinga, magnilay, at muling bumangon hanggang sa maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
Ayon kay Jessie, isa sa pinakamahalagang aral na natutunan niya sa pag-aaral ng Shariah ay ang pagiging mapagpasalamat.
Ngayon na isa na siyang Shariah Counselor-at-Law, layunin niyang palakasin ang sektor ng kabataan at muling paigtingin ang pagpapahalaga sa edukasyon. Nais din niyang matulungan lalo na ang mga kababaihan na maunawaan ang kanilang mga karapatan upang kaya nilang ipagtanggol ang kanilang sarili.
“We are now focusing on training women to become well versed in their rights. Kaya nilang ipagtanggol ang kanilang sarili.”
Dagdag pa niya, nais din niyang palawakin pa ang kanyang kaalaman tungkol sa iba’t ibang usapin sa mundo dahil, aniya, mahirap magsagawa ng legal na praktis kung limitado ang kaalaman.
Samantala, nagbigay rin siya ng mensahe sa mga kabataang nagnanais pumasok sa larangan ng batas, lalo na sa Shariah Law.
Ayon sa kanya, mahalagang pag-isipan munang mabuti ang pagpasok sa kursong ito dahil hindi ito madali. Kailangan umano ng matinding disiplina sa sarili, sipag sa pagbabasa ng mga aklat at legal na babasahin, at dedikasyon sa pag-aaral.
Aniya, kung ito ang tunay na calling ng isang tao, huwag itong katakutang tahakin.











